OpinionOnion

Malayang ipahayag ang tanaw sa iba't ibang litaw na paksa sa bansa

Mga Pakiwari

view:  full / summary

Halalang Brgy. at SK, ipinagpaliban sa Marawi?

Posted by [email protected] on May 7, 2018 at 5:15 AM Comments comments (0)

Ang Marawi matapos ang limang buwang digmaan (Mula sa Al Jazeera)


Karamihan sa atin, ang halalang barangay at Sanggunian ng Kabataan ay isang mahalagang kaganapan dahil ito ang pagkakataon ng isandaang pamilya na ihirang ang taong alam nilang may kakayahan, sipag, at may tiwala sa sarili na payabungin ang barangay. Subalit simula pang Enero ay isinuspinde ng COMELEC ang halalang BRGY. at S.K. sa Marawi. Siguro alam naman talaga natin kung bakit, subalit may pananaw ako dito. Ano ba ito? Tumututol ba ako sa kapasiyahan ng COMELEC? Ating alamin?


Ayon sa COMELEC, ipinagpaliban nila ang halalan na gaganapin sana sa 14 Mayo dahil nasa estado ng pagsasaayos o rehabilitasyon ang nasabing lungsod. Ang pakiwari ko, hindi naman tutol sa COMELEC, subalit dapat rin nilang isaalang-alang na kailangan pa rin ng Marawi ng mga panibagong mamumuno sa 96 na iba't-ibang barangay sa Marawi. Kailangan nila ng mga bagong sasandalan at magtatanggol sa mahigit 201, 785 (ayon sa 2015 census) na taong ginawang tahanan ang Marawi. Subalit hindi sa hinihimok o pinipilit na gawin, dahil nababatid ko naman ang nangyari sa Marawi at gaano kahirap isaayos, at pa-unlarin ang "Kabisera ng Tag-init sa Timog". Nauunawaan ko ang takot na nararamdaman ng mga mamamayan simula 23 Mayo noong nakaraang taon. Naiintindihan ko ang hindi pagkakailangan ng bagong mamumuno dahil iilang barangay pa lamang ang muling binuksan sa mamamayan. Sa kabilang banda, magandang ipinapaigiting ng kanilang pamahalaan ang pagbabantay ng hukbo o militar sa Marawi.


Isasantabi man ng COMELEC ang halalang BRGY. at S.K., hindi sana mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayang-Muslim dahil wala man silang sasandalang mga sultan, mayroon silang Allah na ipagpapatuloy nilang susundan upang ganap na mahanap ang tunay na pag-asa sa nawasak nilang minamahal na lungsod.

Ang pagpulong ng pangulo ng NK at SK, kapayapaan na ba ang tadhana sa tangway?

Posted by [email protected] on April 27, 2018 at 10:40 PM Comments comments (0)

(Kaliwa-kanan) Pangulong Kim Jong Un (NK) at Moon Jae In (SK) (Mula sa The Financial Express)


Para sa buong daigdig, isa itong pangyayaring nakamamangha, dahil alam naman natin na mayroong hindi pagkakasundo ang dalawang bansa matapos ang Digmaang Korea noon pang 1950, mahigit anim na dekada nang nakakalipas. Subalit ang kanilang pulong kahapon ay makasaysayang kaganapan.Siya nga pala, tungkol sa denuclearization ang kanilang ipinanagtagpo. Ngunit ano ang kapakinabangan o bunga ng kanilang pulong tungkol sa denuclearization? Ating alamin.


Una, para ito sa lubos na kapayapaan at katiwasayan sa dalawang bansa. At 'pag may kaayusan ang dalawang bansa, ang kanilang ugnayan ay tatatag. Ito rin ay para maibsan ang tensyon o tuluyang maging matiwasay ang hangganan ng North Korea at South Korea. Pangalawa, Kapag kaya ng North Korea na makipagkaayusan sa South Korea, siguro naman kaya rin nila makipagkaayusan sa Estados Unidos. Ayon sa ating kaalaman at napapanood, mayroong matindin kasuklaman at pagkapoot sa Estados Unidos ang North Korea dahil sa propagandang ideolohiko na ipinapa-igting ng pamahalaan ng North Korea sa kanilang mga payak na mamamayan. At kung makipagkaayusan man ang North Korea sa Amerika, maaaring iwaksi ng North Korea ang propagandang ideolohiko at imulat ng pamahalaang North Korea ang mga isipan ng kanilang mamamayan tungkol sa Amerika, kahit magalit man sila sa kanilang pamahalaan. Pangatlo, kapag ganap na isinulong ang denuclearization sa North Korea, maiibsan ang tensyon ng mga bansa o partikular na pook na asintahang bagsakan ng missiles kagaya ng Guam na noo'y binantaan ng North Korea na bagsakan ng missile noong Agosto 2017. 


Marami pang kakalabasin ang pangkaraniwan ngunit makasaysayang pag-uunawan ng dalawang bansa. Subalit kaysa sa paghahangad ng magagandang kakalabasan ng pagpupulong ng dalawang bansa, ipagdasal nalang natin ang mabuting pakikipag-ugnayan ng North Korea hindi lamang sa karatig na bansa, pati na rin sa iba pang nasyon sa iba't-ibang lupalop. 

Maganda bang ibalik ang baybayin?

Posted by [email protected] on April 24, 2018 at 7:45 PM Comments comments (0)

Ang itsura ng mga titik-baybayin (Mula sa Mandirigma.org)


Una, maganda naman talaga ang dahilan sa pagpapaigting ng lumang sistema ng pagsusulat (buhayin ang baybayin, magkaroon ng bagong pagkawili sa mga lumang patutastas). Subalit may mga katanungan at pag-aalinlangan tungkol sa baybayin. Ano-ano kaya ito? Masasagot ba ito ng pamahalaan? Magiging hakdawin ba ito sa pagpapatupad ng baybayin? Ating tignan.


Isang katanungan ay: Naaangkop ba ito sa kasalakuyang katitikan natin? Kung ating mamasdan, walang titik "f", "z", "c", at iba pang titik na inambag ng alpabetong Ingles na karaniwan na sa atin. Kaya't 'pag ilalapat na ito sa mga pangalan o mga salita na may titik na wala sa katitikang baybayin, maaaring magkaroon ng 'di-pagkaunawaan at maaaring ibahin ang pangalan o salita upang maakma sa baybayin. Pangalawang katanungan, naaakma ba ito sa mga dyalekto sa bansa? Halimbawa, ang salitang "arroz" ay galing sa dyalektong Chavacano na ang kahulugan ay "kanin". Kung ating masusing pagmamasdan, walang titik "r" at "z" sa baybayin. Isa lang ang salitang "arroz" sa ilan pang salita sa iba't-ibang dyalekto sa bansa na walang tuwirang salin sa baybayin. 


Kung direkta ko sana makakausap ang pamahalaan, ang masasabi ko lamang ay siyasatin ng masusi muna ang pagpapatupad ng baybayin. Oo, magaganda ang tuwiran para sa muling pagpapasigla sa paggamit ng baybayin, subalit maraming tanong pa ang kailangang sagutin bago namin, ang mga payak na mamamayan, na gagamit sa baybayin, bago namin lubusang kilalanin, tanggapin, at ipagmalaki ang baybayin.

Pagsara sa Boracay

Posted by [email protected] on April 23, 2018 at 7:45 PM Comments comments (0)

Ang Boracay na kilala natin ngayon (Mula sa ABS-CBN)


Unang una, ito'y dahil sa kapabayaan ng mga turista, mga negosyante, at mga residente mismo, banyaga man o Pilipino, sa mga basurang naiiwan at unti-unting naiipon sa dating malinis na dalampasigan. Kung may naglilinis man, kukonti lamang sila, at hindi sapat upang ganap na malinis ang Boracay na walang tulong sa pamahalaan. Kung may residente o turista mang nababahala, baka wala naman silang kasipagang maglinis.


Oo, para sa 'kin, tama naman na ipapasara ng pamahalaan ang Boracay upang lubusang malinis at ma-iayos hindi lang para makita ang magandang tanaw sa dalampasigan, para rin ito sa kapakanan ng mga bahura, lamang dagat, at iba pang yamang-dagat. Subalit nakakainis rin dahil bakit ngayon lang ito napag-isipan ng pamahalaan? Malamang, may ibang suliranin ang kanilang ikinakaharap, subalit wala man bang kahit isang kapitan sa Boracay ang kumilos upang malinis ang Boracay? Kahit isang residente ang kumilos? O 'di kaya'y nahihiya sila at tinignan na lamang ang unti-unting pagkasira ng baybayin? Bakit mo naman ikakahiya ang pagkalinga sa isang tanawing iyong ipinagmamalaki?


Alam na man natin na maraming yamang-dagat ang pambihirang makita sa mundo at iba sa ito'y nasa Pilipinas lamang makikita. Kaya't hindi lang natin ito ipagmalaki, ito'y atin ring kalingain. Kaya't sa ngayon, ating abangan na lamang ang kalalabasin ng rehabilitasyon ng Boracay.


Rss_feed